Photo courtesy of Department of Agriculture (DA)
Kumpiyansa ang Department of Agriculture (DA) na nananatiling sapat ang suplay ng pagkain ng bansa sa kabila ng banta ng matinding El Niño.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. mayroon nang karagdagang 65 warehouse ang National Food Authority (NFA) na pupunuin ng mabibili nitong palay mula sa mga magsasaka.
Bukod sa pag-iimbak ng suplay ng bigas na bibilhin ng NFA ay patuloy ang ibibigay na fertilizer support ng DA sa mga magsasakang hindi naman labis na maaapektuhan ng El Niño.
Sa tulong kasi nito ay mapapataas ang kanilang produksiyon na siyang sasalo sa aanihin din sana ng mga sakahang direkta namang maaapektuhan ng tag-tuyot.
Nakahanda rin ang fuel subsidy program ng DA para sa mechanized farmers upang mabawasan ang kanilang production cost.
Inaasahang papalo sa 700,000 metric tons ng bigas ang posibleng maapektuhan ng El Niño.
Pagtitiyak pa ni Laurel, na kahit pa umabot sa worst case scenario ang magiging hagupit ng El Niño ay secured na ang food supply ng bansa.