Pormal nang nilagdaan nitong Huwebes ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth at mga kinatawan mula sa mga health maintenance organization o HMO at private health insurers o PHI ang isang memorandum of understanding (MOU) para sa pagtataguyod ng PhilHealth YAKAP HMO/PHI Benefit Complementation Program.
Saksi sa ginanap na ceremonial signing sina Finance Secretary Frederick Go, kasama si PhilHealth Acting President at CEO Dr. Beverly Lorraine Ho, at mga opisyal ng mga HMO at PHI.
Layon ng programa na salagin ang mabigat na gastusing pangkalusugan sa pamamagitan ng pagsasaayos ng mga benepisyo sa pagitan ng pamahalaan at ng pribadong sektor.
Sa ilalim ng kasunduan, magsisilbing primary payer ang PhilHealth, habang secondary coverage naman ang pupunan ng mga HMO at PHI upang masulit ang financial protection ng bawat Pilipino nang walang nauulit na bayarin.