Dumating na sa Taiwan ang unang dalawang bagong F-16V fighter jets mula sa Estados Unidos bilang bahagi ng pagpapalakas sa depensa ng isla.
Kabilang ang dalawang eroplano sa kabuoang 66 na F-16V Block 70 na binili ng Taiwan sa Estados Unidos noong 2019 sa halagang tinatayang walong bilyong dolyar.
Dumating ang mga jet sa Chihhang Air Base sa Taitung matapos ang ilang buwang pagkaantala na iniugnay sa mga teknikal na problema, kabilang ang software issues.
Mas advanced ang F-16V kumpara sa mga naunang bersyon dahil mayroon itong modernong avionics, armas, at radar system.
Inaasahang makatutulong ang eroplano sa pagmamanman at pagtatanggol ng Taiwan sa harap ng military activities ng China sa paligid ng isla.
Sinabi rin ni Defense Minister Wellington Koo na may iba pang F-16V na inaasahang darating bago matapos ang taon.
Samantala, tinututulan ng Beijing ang pagbebenta ng armas ng Washington sa Taiwan na itinuturing nitong bahagi ng teritoryo ng China.