Pinag-iingat ngayon ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA ang publiko laban sa paggamit ng mga vape products na umano’y may halong Etomidate.
Ito ay kasunod ng mga nakumpiskang vaping products na naglalaman ng naturang substance. Iniulat ding ibinebenta ang ilang iligal na produktong may Etomidate gamit ang mga street name na “space oil,” “zombie vapes” at “Kpods.”
Ayon sa PDEA, ang Etomidate ay isang medical anesthetic na ginagamit sa mga ospital, ngunit kapag ginamit nang walang medical supervision, maaari itong magdulot ng mabilis na sedation, pagkawala ng malay, involuntary muscle movements at mapanganib na epekto sa paghinga at cardiovascular system.
Giit ni PDEA Director General Usec. Isagani R. Nerez, hindi recreational substance ang Etomidate at maaaring maging delikado ang paggamit nito sa vape products.
Paalala nito sa publiko na huwag gumamit ng kahina-hinalang vape products at huwag ipagpalagay na ligtas ang isang produkto dahil lamang sa itsura nito.
Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang PDEA sa iba pang government at law enforcement agencies para ma-monitor ang paggamit ng Etomidate at iba pang emerging psychoactive substances.