Inihain ni Nueva Vizcaya Lone District Representative Atty. Timothy Joseph Cayton ang House Bill No. 11478 o ang “Tamang Sahod para sa Guro Act,” na magtatakda ng P50,000 bilang pinakamababang buwanang sahod ng bawat guro sa pampublikong elementarya at high school.
Sa ilalim ng panukala, walang gurong pampubliko ang tatanggap ng basic monthly salary na mas mababa sa P50,000, o sa halagang nakatakda sa kanyang salary grade at step sa ilalim ng Salary Standardization Law, kung alin man ang mas mataas.
Ang kasalukuyang sahod ng isang Teacher I ay P30,024 kada buwan, mas mababa pa sa P36,510 na tinatayang kailangan ng isang pamilyang may limang miyembro.
Ipinunto ni Cayton na sa lahat ng propesyon sa serbisyo publiko, ang pagtuturo lamang ang binanggit ng ating Saligang Batas pagdating sa sapat na kabayaran.
“Marami sa ating mga guro ang kailangan pang mag-sideline magturo sa labas ng oras o mangibang-bansa upang matustusan lamang ang pangangailangan ng kanilang pamilya. Hindi iyon pagkukulang ng ating mga guro. Iyon ay tanda na hindi pa natin natutupad ang matagal nang inilaan para sa kanila,” ani Cayton.