Itinanggi ni House Prosecution Spokesperson Terry Ridon ang pahayag ni Vice President Sara Duterte na mayroon siyang Conflict of Interest dahil dati siyang nagsilbing consultant ng Davao City government.
Sa isang press conference, sinabi ni Duterte na tumanggap umano ng bayad si Ridon mula sa Davao City government kahit hindi naman nito nagampanan ang trabaho bilang consultant.
Giit ni Ridon, walang Conflict of Interest ang kanyang dating consultancy sa Davao City at ang kasalukuyan niyang papel bilang bahagi ng House Prosecution Team sa impeachment trial ng Bise Presidente.
Ayon kay Ridon, limitado lamang sa poverty-related concerns ang kanyang trabaho bilang consultant ng Davao City mula 2018 hanggang 2020 at wala itong kaugnayan sa mga isyung tinatalakay sa impeachment trial.
Ni hindi rin aniya niyang direktang nakatrabaho si Duterte noong alkalde pa ito ng Davao City at hindi rin siya naging personal adviser o abogado ng Bise Presidente.
Tungkol naman sa alegasyon na tumanggap lamang siya ng bayad nang walang ginawang trabaho, sinabi ni Ridon na may accomplishment reports na kailangang isumite kada buwan bilang requirement bago mabayaran ang isang consultant.
Dagdag pa niya, hindi rin umano naging subject ng Notice of Disallowance ng Commission on Audit (COA) ang kanyang consultancy, kahit mahigit anim na taon na ang lumipas mula nang matapos ang engagement.
Hirit pa ni Ridon, hindi naman siya ang nililitis at hindi rin siya papatinag sa naturang mga pahayag.