Kinuwestyon ni Senator-Judge Risa Hontiveros ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) kung sinusuri nito ang mga Chinese company na nagpadala ng tinatayang ₱319 milyon sa Calle 88.
Sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, sinabi ni Hontiveros na ilan sa mga kumpanyang nakipagtransaksyon sa Cale88 ay Chinese state-owned enterprises, kabilang ang China National Township Enterprises at Beijing ZhenweiFang Food Company.
Ayon kay Hontiveros, lumalabas sa open-source research ng kanyang opisina na may mga ugnayan ang mga kumpanyang ito sa Chinese government at Chinese Communist Party organizations.
Itinanong ni Hontiveros kay AMLC Secretariat Executive Director Atty. Ronel Buenaventura kung kabilang sa tinitingnan ng AMLC ang ganitong mga linkage.
Gayunman, sinabi ni Buenaventura na hindi niya masasagot ang tanong dahil limitado sa mga record na saklaw ng subpoena ang kanyang inilalahad sa Impeachment Court.
Nang tanungin kung itinuturing niyang dapat ikabahala ang ganitong mga transaksyon, sinabi ni Buenaventura na kailangan muna niyang rebyuhin ang mga impormasyong inilahad ni Hontiveros.
Nauna rito, lumitaw sa mga AMLC report na may covered at suspicious transaction reports kaugnay ng ₱319 million na pumasok sa Cale88 mula sa China.