Kasama ang La Mesa Watershed sa mga lugar na pinaghahandaan ng Department of Environment and Natural Resources-National Capital Region dahil sa posibleng matagal na dry conditions na dulot ng El Niño.
Ayon kay DENR-NCR Regional Executive Director Nilo Tamoria magsasagawa sa ikatlong linggo ng Oktubre ng pagpupulong ang La Mesa Watershed Reservation Technical Working Group upang suriin ang mga posibleng environmental concerns.
Kabilang sa mga paghahanda ang paglalagay ng humigit-kumulang 50-gallon drums sa strategic areas ng watershed bilang emergency water source.
Maaari itong gamitin sakaling magkaroon ng drought conditions o forest fire sa lugar.
Nililinis din ang mga kalsada at trails sa loob ng watershed upang alisin ang mga tuyong dahon at iba pang madaling masunog na materyales.
Layunin nitong mabawasan ang maaaring pagmulan ng sunog at mapigilan ang mabilis na pagkalat nito sakaling magkaroon ng forest fire.