Hihilingin ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa International Criminal Police Organization (Interpol) na maglabas ng red notice laban kay Batangas 1st District Representative Leandro Leviste.
Kasunod ito ng paglalabas ng Makati Regional Trial Court ng warrant of arrest laban kay Leviste kaugnay ng paglabag sa Public Service Act.
Itinakda naman ng korte ang piyansang P72,000.
Nag-ugat ang kaso sa umano’y mga hindi natupad na obligasyon ng kanyang solar company.
Ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla, batay sa impormasyon ay nasa Germany ngayon si Leviste.
Sinabi ng kalihim na inaayos na ang pag-a-apply ng red notice sa pamamagitan ng Philippine Center for Transnational Crime.
Nanawagan naman ang kalihim kay Leviste, pati na sa ina nitong si Sen. Loren Legarda na umuwi na sa bansa at harapin ang mga akusasyon laban sa kanila. “Well, as usual, umuwi na sila, pero kasama na rin yung mag-asawang Velasco; umuwi na rin kayo, face the charges, face the accusations, kasi walang nagagawa yung nagtatago, eh,” ani Remulla.