Ayaw pangunahan ng Department of Justice (DOJ) ang anumang proseso o hakbang ng mga prosecutor at ng korte na humahawak sa kaso ni Batangas 1st District Representative Leandro Leviste.
Ito ang tugon ni DOJ spokesperson Atty. Polo Martinez nang tanungin kung kailan maaaring ideklarang pugante si Leviste, matapos magpalabas ng warrant of arrest ang Makati Regional Trial Court Branch 235 laban sa kongresista.
Ayon kay Martinez, nasa korte ang pagpapasya kung ideklarang pugante ng batas ang isang akusado.
Una nang nagrekomenda ang korte ng 72 libong pisong piyansa para kay Leviste. Ngunit ayon kay Martinez, kailangan muna nitong umuwi sa Pilipinas at sumuko sa hurisdiksyon ng korte bago siya makapagpiyansa.
Si Leviste ay sinamahan ng kanyang ina na si Senator Loren Legarda sa ibang bansa upang magpagamot at kasalukuyang naka-extended medical leave.
Nag-ugat ang warrant of arrest sa kasong isinampa laban kay Leviste at dalawa pa, bilang mga incorporator at corporate officer ng Solar Para sa Bayan Corporation (SPSBC), dahil umano sa paglabag sa Public Service Act. Ayon sa kaso, may sapat umanong batayan o prima facie evidence na may reasonable certainty of conviction laban kay Leviste dahil umano sa sadyang pagpapabaya at hindi pagtupad sa mga obligasyon kaugnay ng kanilang legislative franchise.