Isinusulong ni Marikina 2nd District Representative Miro Quimbo ang pagbibigay ng HMO coverage sa lahat ng guro sa pampublikong paaralan.
Sa House Bill No. 11603, inaatasan ang DepEd na kumuha sa pamamagitan ng competitive bidding ng lisensyado at accredited HMO na may nationwide network ng mga ospital at healthcare providers.
Saklaw ng panukala ang outpatient consultation, laboratory tests, diagnostic procedures, hospitalization, emergency care at annual physical examination.
Kasama rin dito ang mental health services gaya ng psychiatric o psychological consultation at therapy.
Binigyang-diin ni Quimbo na dagdag ito sa kasalukuyang medical allowance at benepisyo ng mga guro at hindi papalit o kabawasan.
Ayon sa mambabatas, makatutulong ang mas maaasahang healthcare access upang mas maagang makapagpagamot ang mga guro at mabawasan ang kanilang personal na gastos sa pagpapagamot.
Diin niya na, kung nais maprotektahan ang kalidad ng pampublikong edukasyon, kailangan ding pangalagaan ang kalusugan ng mga gurong nasa frontline nito.