Naglaan ang Agricultural Credit Policy Council (ACPC) ng apat na programa para sa mga magsasaka at mangingisda na rehistrado sa Registry System for the Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) ng Agri-Recover Program bilang tugon sa posibleng epekto ng strong El Niño sa bansa.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service kay ACPC Executive Director Rallen O. Verdadero, inihayag nito na kabilang sa nasabing mga programa ang Calamity Loan para sa mga walang existing loan na nagkakahalaga ng P35,000.00 nang walang interes na babayaran sa loob ng tatlong taon.
Para naman sa mga mayroong existing loans, magkakaroon ng loan restructuring, loan refinancing, at loan moratorium upang makatulong sa mga magsasaka at mga mangingisda.
Aniya, ang kailangan lamang ng miyembro ay mayroong aktibong bank accounts o e-wallet at magtungo sa kanilang partners na banko o kooperatiba na malapit sa kanilang lugar.
Dagdag pa ng opisyal, nakikipag-ugnayan na rin sila sa mga regional office ng Department of Agriculture para sa mga ginagawa nilang Caravan upang mas mapadali ang aplikasyon para sa kanilang mga programa.