Inaasahang makatutulong sa pagbaba ng presyo ng produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado ang naging desisyon ng mga bansang miyembro ng G7 na magpalabas ng 100 milyong bariles mula sa kanilang oil reserves sa loob ng apat na buwan.
Ngunit para kay Philippine Energy Research and Policy Institute Executive Board Member, Attorney Jay Layug, panandalian lamang ang magiging epekto sa pagbaba ng presyo ng langis ang gagawing hakbang ng G7 countries.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service, sinabi ni Atty. Layug na mararamdaman naman sa Pilipinas ang epekto nang pagbaba ng presyo ng langis ngunit maliit na halaga at posibleng sa loob lamang ng dalawang linggo.
Aniya, ang kailangan ay matapos na ang sigalot sa Middle East upang tuluyan ng bumalik sa normal ang presyo ng produktong petrolyo buhat sa pagkakaroon nang sapat na supply sa international market.
Sinabi rin ni Layug na kung magiging mas matagal ang pagre-release ng G7 ng kanilang reserve oil, maiibsan ang kakulangan sa supply at talagang bababa ang presyo ng langis sa merkado.