Nagbabala na ang Department of Justice (DOJ) sa publiko kaugnay sa mga kasong posibleng kaharapin ng mahuhuling gagamit ng pekeng Person With Disability (PWD) Identification Card (ID).
Ayon kay Chief State Counsel Dennis Arvin Chan nakatanggap sila ng sentimyento mula sa National Council on Disability Affairs (NCDA) na may mga dumulog sa kanila na restaurant owners na nakakaramdam na umano ng pagkalugi dahil sa pagkalat ng mga gumagamit ng pekeng PWD IDs.
Umabot na kasi sa 8.5 milyong indibidwal ang naitatalang gumagamit ng pekeng PWD ID sa buong bansa.
Batay sa datos ng NCDA na ibinahagi ni Chief State Counsel Dennis Arvin Chan, lumalabas na malayong-malayo ito sa opisyal na bilang ng mga tunay at rehistradong PWD na nasa 2.8 milyon lamang.
Sa nasabing 8.5 milyong gumagamit ng pekeng PWD ID, ipinabatid ni Chan na anim na milyon dito ang mayroong malinaw na mga discrepancy o iregularidad sa mga dokumento at impormasyon.
Oras na mahuli at mapatunayang gumagamit ng pekeng PWD ID, kabilang sa mga kasong posibleng kaharapin ang falsification of public documents at estafa.
Posible rin aniyang maharap sa hiwalay na kaso ang mga opisyal na mapatutunayang nagbibigay ng pekeng ID.