Ibinunyag ng prosekusyon ang umano’y malinaw na “pattern of violations” o paglabag sa batas at Saligang Batas” ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Prosecution Counsel Erwin Matib ito ang inilahad ng testigo mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na si Chief of Staff Atty. Anne Loraine Garcia Marquez.
Batay sa mga rekord ng BIR at sa testimonya ni Marquez, lumitaw na habang naninilbihan bilang alkalde ng Lungsod ng Davao mula 2017 hanggang 2021, kumita rin si Sara Duterte sa labas ng kanyang opisyal na sahod.
Ayon sa taga-BIR, tumanggap ang noo’y alkalde ng ₱3.2 milyon noong 2017, ₱1.9 milyon noong 2018,
at ₱4 milyon noong 2019.
Dahil dito, iginiit ng prosekusyon na nilabag ni VP Sara ang Section 90 ng Local Government Code (LGC), na nagbabawal sa lahat ng gobernador, alkalde ng lungsod, at munisipalidad na mag-practice ng kanilang legal profession.
Bukod dito, inihayag din ni Marquez na batay sa Income Tax Return (ITR) ng Bise Presidente noong 2023, tumanggap din ito ng kita mula sa Pamahalaan ng Lungsod ng Davao sa pamamagitan ng paglakip ng BIR Form 2316.
Ibig sabihin may paglabag din sa Seksiyon 13 ng Artikulo VII ng Saligang-Batas, na nagbabawal sa Pangulo at Bise Presidente na mag-practice ng propesyon, magnegosyo, conflict of interest habang sila ay nanunungkulan.