Pinalalakas ng Department of Environment and Natural Resources-National Capital Region (DENR-NCR) ang monitoring sa mga ilog at daluyan ng tubig sa Metro Manila bilang paghahanda sa posibleng epekto ng El Niño.
May 89 monitoring station ang ahensya sa tatlong pangunahing river system.
Kabilang dito ang 21 sa Malabon-Navotas-Tullahan-Tinajeros, 32 sa Pasig-Marikina-San Juan, at 36 sa Muntinlupa-Parañaque-Las Piñas-Zapote.
Binabantayan sa mga lugar na ito ang ilegal na pagtatapon ng basura, polusyon, pagdami ng banlik, at mga bara sa daluyan ng tubig.
Samantala, 377 monitoring station naman ang sakop ng water quality monitoring program ng Environmental Management Bureau-NCR (EMB-NCR).
Kabilang sa proseso ang pagkuha ng mga sample ng tubig at pagsusuri sa laboratoryo upang matukoy kung pasok sa mga pamantayan ang kalidad ng tubig at matukoy ang mga posibleng pinagmumulan ng polusyon.
Mahalaga umano ang tuloy-tuloy na monitoring para sa rehabilitasyon ng mga ilog at daluyan ng tubig, pangangalaga sa kapaligiran, at pagsuporta sa Manila Bay Rehabilitation Program.