Kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) na apat na overseas Filipino worker (OFW) ang sugatan sa pag-atake sa King Khalid International Airport sa Riyadh, Saudi Arabia noong Sabado, October 10.
Sa pulong balitaan sa Mandaluyong City, sinabi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na tatlo sa mga biktima ang nasa intensive care unit, at kritikal ang kondisyon ng isa.
Habang nakalabas na ng ospital ang isa pa, pero patuloy na binabantayan matapos magtamo ng sugat sa lumbar area at mga paso.
Ayon kay Cacdac, dalawa sa mga sugatan ang nagtatrabaho sa paliparan, habang pasahero naman ang dalawa pa.
Sinabi ng kalihim na nakikipag-ugnayan na ang DMW at Overseas Workers Welfare Administration sa mga pamilya ng nasugatang OFW.
Samantala, sinabi ni OWWA Administrator PY Caunan na katuwang ng ahensya ang Migrant Workers Office sa Riyadh sa pagbabantay sa kalagayan ng mga sugatang OFW.
Iniulat niya na nasa 30 Pilipino ang stranded sa Riyadh dahil sa pagsasara ng paliparan, kabilang ang ilang dependent ng OFW at isang menor de edad.
Nasa 20 naman sa kanila ang nasa hotel na sagot ng DMW at OWWA, habang may isa ring Pilipinong stranded sa Dammam International Airport matapos ma-cancel ang kanyang flight, at sa Maynila naman, 37 OFW na na-cancel ang flight ang inalalayan sa mga OFW lounge sa NAIA Terminals 1 at 3.
Matatandaang nasa 12 ang nasawi at mahigit 300 ang sugatan sa naturang pag-atake na iniuugnay sa Houthi rebels ng Yemen. | ulat ni Diane Lear