Pinuri ni Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia ang katatagan ng mga puwersang Pilipino sa harap ng panibagong panggigipit ng mga sasakyang Tsino sa Kota Island sa Palawan noong October 9.
Ayon sa National Task Force for the West Philippine Sea o NTF-WPS, nagpakalat ang Chinese Maritime Militia Vessel 9622 ng 22 sampan malapit sa isla, habang isang bangka ang lumapit hanggang 250 metro mula sa baybayin.
Pinalibutan din umano ng barkong Tsino ang mga bangkang Pilipino at inutusang umalis sa lugar.
Gayunman, hindi umatras ang mga Pilipino sa pangunguna ng Philippine Coast Guard o PCG, katuwang ang Philippine Marines at Philippine Navy, hanggang sa umalis ang mga sasakyang Tsino sa territorial sea ng isla.
Binigyang-diin ni Goitia na walang dayuhang sasakyang pandagat ang may karapatang mag-utos sa mga Pilipino sa sariling karagatan.
Pinuri rin nito ang disiplina at mahinahong pagtugon ng mga kawal sa insidente.
Una nang nagpakalat ng 24 na sampan ang parehong barkong Tsino malapit sa Kota Island noong September 28. | ulat ni Lorenz Tanjoco