Photo courtesy Department of Environment and Natural Resources
Gumagamit na ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng makabagong teknolohiya para sa real-time monitoring at maagang pagtukoy sa mga panganib na dulot ng El Niño.
Kabilang sa mga ginagamit na teknolohiya ang Automated Weather Stations, satellite-based heat stress mapping, at Geographic Information System o GIS-based risk modeling para makapagbigay ng agarang babala sa mga lokal na pamahalaan at mga tauhan sa mga apektadong lugar.
Sa Ilocos Region, nagtatag ang DENR ng Red Flag Alert System na konektado sa PAGASA at mga LDRRMO para maagang matukoy ang posibleng sunog sa mga kagubatan.
Samantala, sa Catanduanes at Masbate, ginagamit ang datos mula sa weather stations para matukoy ang mga lugar na nakararanas ng pagkatuyo ng kagubatan, sapa, at bahura, gayundin ang mga senyales ng kakulangan sa tubig.
Ayon kay DENR Secretary Juan Miguel “Mitch” Cuna, mahalaga ang napapanahong impormasyon para maagapan ang mga banta sa kapaligiran at maprotektahan ang buhay ng mga mamamayan sa gitna ng El Niño.
Kaugnay nito, inatasan na rin ng DENR ang mga regional office na palakasin ang mga programa sa pagtitipid ng tubig, patuloy na subaybayan ang mga palatandaan ng tagtuyot, at bigyang-prayoridad ang mga komunidad na nanganganib sa kakulangan ng suplay ng tubig.