Hinimok ni Pwersa ng Pilipinong Pandagat (PPP) Party-list Representative Harold James Duterte ang Department of Foreign Affairs (DFA) na agad tulungan ang 65 Pilipinong mangingisdang iniulat na ikinulong ng mga awtoridad sa Sabah, Malysia dahil sa umano’y ilegal na pangingisda.
Sa House Resolution No. 1545 na inihain ni Duterte kasama si Davao City Rep. Paolo Duterte, nanawagan ang mga mambabatas ng agarang diplomatikong aksyon at kinakailangang consular assistance para sa mga mangingisda.
Nahuli ang mga ito ng Malaysian Maritime Enforcement Agency noong Setyembre 27, 2026, kung saan tinatayang apat na toneladang huling isda na nagkakahalaga ng limang milyong piso ang kinumpiska.
Hiniling ni Duterte sa DFA na makipag-ugnayan sa mga kinauukulang awtoridad ng Malaysia, linawin ang mga dahilan ng pagkakadetine at gawin ang nararapat na hakbang upang mapalaya at maiuwi ang mga mangingisda alinsunod sa umiiral na batas at proseso.
Binigyang-diin ng mambabatas na dapat maging pangunahing prayoridad ang kapakanan ng mga mangingisda at ang pag-aalala ng kanilang mga pamilyang naghihintay sa kanilang pagbabalik sa Pilipinas.