Photo courtesy of OWWA
Nakatakda nang makauwi sa Pilipinas ang 149 Overseas Filipino Workers o OFWs mula sa Riyadh, Saudi Arabia, sa Oktubre 19 at 20, sa tulong ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Department of Migrant Workers (DMW), at Philippine Embassy sa Riyadh.
Ayon sa OWWA, kasalukuyang ginagamit ang karagdagang pondo para sa emergency repatriation upang matustusan ang kanilang pag-uwi.
Nagsagawa na rin ng pre-flight orientation nitong Oktubre 16 upang ipaliwanag ang mga kinakailangang dokumento, paghahanda sa biyahe, at iba pang detalye ng repatriation.
Kabilang sa mga pauuwiin ang mga OFW na nasa pangangalaga ng Bahay Kalinga, mga manggagaling sa Saudi recruitment agencies, at mga stranded worker na pansamantalang nanunuluyan sa mga hotel.
Ang ilan sa kanila ay naapektuhan ng mga kanselasyon at pagkaantala ng flights kaugnay ng insidente sa King Khalid International Airport. Tiniyak ng OWWA, DMW, at Philippine Embassy na patuloy ang koordinasyon ng mga ito para matugunan ang pangangailangan ng mga OFW habang hinihintay ang kanilang pag-uwi, kabilang ang pagbibigay ng kaukulang tulong sa kanilang pagdating sa Pilipinas.