Walang inaasahang yellow o red alert sa suplay ng kuryente sa Luzon, Visayas, at Mindanao sa kasalukuyang linggo at sa susunod pang dalawang linggo, ayon sa Department of Energy (DOE).
Gayunman, nagbabala si DOE Undersecretary Mario Marasigan na posibleng lumiit ang reserbang suplay ng kuryente sa Luzon kapag naantala ang pagbabalik-operasyon ng mga planta ng kuryente na kasalukuyang hindi gumagana.
Sa Visayas, isinusulong ng DOE ang karagdagang 253 megawatts na kapasidad mula sa battery energy storage systems na target makumpleto bago matapos ang 2026, gayundin ang 293 megawatts na diesel-fired generation capacity na inaasahang makumpleto sa unang quarter ng 2027.
Samantala, nananatiling sapat ang suplay ng kuryente sa Mindanao, kung saan mas mataas ang available na kapasidad kumpara sa demand. Patuloy namang tinutugunan ng DOE ang mga limitasyon sa transmisyon at pinabibilis ang mga proyekto sa enerhiya upang mapanatili ang sapat at maaasahang suplay ng kuryente sa bansa.