Target ng bagong kalihim ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na si Sec. Robert Joseph M. De Claro na maisulong ang mabilis, mura, at maaasahang internet para sa bawat Pilipino, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Kasama ito sa tinalakay ni Sec. De Claro na parte ng kanyang priority agenda sa unang flag-raising ceremony ngayong umaga, kasabay ng pormal na turnover ng pamumuno mula kay outgoing Sec. Henry Aguda.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni De Claro ang mga pangunahing agenda nais niyang isulong, kabilang ang pagpapalakas sa papel ng DICT bilang gabay ng mga ahensya ng pamahalaan sa larangan ng information technology o IT at mga kaugnay na serbisyo.
Aniya, hangad niyang maging isang “lighthouse” ang DICT na magsisilbing gabay sa iba’t ibang ahensya sa paggamit ng teknolohiya at pagpapahusay ng kanilang mga serbisyo.
Kabilang din sa kanyang mga prayoridad ang pagpapababa ng presyo ng internet, pagpapahusay sa serbisyo ng mga telecommunications company, pagpapabilis sa proseso ng pag-isyu ng mga lisensya, at higit pang pagpapalakas sa eGovPH platform.
Kaugnay nito, nagpasalamat naman si Outgoing Sec. Henry Aguda kay Pang. Ferdinand R. Marcos Jr., at sa DICT sa kanyang ibinigay na tiwala para magserbisyo sa mga Pilipino.
Aniya, plano niyang bumalik sa pribadong sektor habang patuloy na sinusuportahan ang digital initiatives ng gobyerno.