Muling tiniyak ng Department of Budget and Management (DBM) ang patuloy na suporta sa learning recovery initiatives, kabilang ang Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program ng Department of Education, habang nagpapatuloy ang deliberasyon sa panukalang 2027 national budget.
Ayon sa DBM sa pamumuno ni Acting Secretary Kim Robert De Leon, kabilang na sa mga prayoridad ng pamahalaan ang pagpapabilis sa implementasyon ng ARAL, batay sa National Budget Memorandum No. 157 na inilabas noong Marso 16, 2026, at sa 2027 Budget Priorities Framework.
Sa ilalim ng panukalang 2027 National Expenditure Program (NEP), nakalaan ang ₱975.963 billion para sa DepEd, na siyang may pinakamalaking alokasyon sa lahat ng departamento.
Bagama’t walang hiwalay na budget line item para sa ARAL, ipinaliwanag ng DBM na maaari pa rin itong pondohan mula sa umiiral na mga programa at aktibidad ng DepEd, alinsunod sa itinakdang mga patakaran.
Sa 2026 General Appropriations Act, umabot sa ₱8.936 billion ang kabuuang pondong inilaan para sa ARAL mula sa iba’t ibang programa ng DepEd. Samantala, ₱6.472 billion ang nakalaan sa textbooks at iba pang instructional materials sa panukalang 2027 budget, na maaari ring sumuporta sa learning resources ng ARAL.
Maaari ring gamitin ang available Personnel Services allotments para sa awtorisadong bayad sa mga gurong nagsasagawa ng ARAL tutoring lampas sa kanilang regular na teaching load. Kung kulang ang pondo, maaaring humiling ang DepEd ng karagdagang alokasyon mula sa Miscellaneous Personnel Benefits Fund (MPBF), alinsunod sa umiiral na mga regulasyon.