Naghain ng resolusyon si ACT Teachers Party-list Representative Antonio Tinio kasama ang Makabayan bloc upang imbestigahan ang paulit-ulit na kakulangan sa suplay ng kuryente sa Visayas at ang mataas na singil sa kuryente.
Kasunod ito ng muling paglalagay sa Visayas grid sa red alert mula alas-singko hanggang alas-sais ng gabi ngayong Martes, Oktubre 20, habang ipinatupad ang yellow alert mula alas-tres hanggang alas-singko ng hapon at alas-sais hanggang alas-otso ng gabi.
Ayon sa National Grid Corporation of the Philippines o NGCP, dulot ito ng hindi pagiging available ng dalawang pangunahing coal-fired power plant at limitadong suplay ng kuryenteng inaangkat mula sa Mindanao grid.
Sa ilalim ng resolusyon, inaatasan ang House Committee on Energy ang suplay at sustainability ng kuryente, mataas na singil sa ancillary services, at pananagutan ng mga kompanya sa power generation at transmission.
Kinuwestiyon din ni Tinio kung bakit umaabot sa 89 porsiyento ang ancillary service charges na kinukuha sa Reserve Market, kung saan maaaring pumalo sa 25 piso kada kilowatt-hour ang presyo, sa halip na gumamit ng mas murang procurement agreements. Dahil dito, muling iginiit ng Makabayan bloc na ibasura na ang EPIRA.