Mas mabilis at mas mura na ngayon para sa mga Pilipino ang pagpapakilala o pagpapatibay ng kanilang foreign divorce sa mga korte sa Pilipinas
Ito ay matapos lumagda sa isang kasunduan ang Department of Foreign Affairs o DFA, Supreme Court Committee on Family Courts, at Office of the Court Administrator upang bumuo ng isang centralized database ng mga batas sa diborsyo sa ibang bansa.
Ayon kay DFA Secretary Ma. Theresa Lazaro, malaking ginhawa ito sa mga Overseas Filipinos dahil nababawasan nito ang mabigat na proseso sa korte at ang gastusin sa pagpapatunay ng batas ng ibang bansa.
Sa ilalim ng umiiral kasi na Family Code ng Pilipinas, maaari lamang kilalanin ang diborsyo ng isang Pilipino kung ang kanyang kasama ay isang dayuhan at ang dayuhan ang kumuha ng diborsyo sa labas ng bansa.
Dahil walang pangkalahatang batas sa diborsyo sa Pilipinas, kailangan munang dumaan sa korte o tinatawag na judicial recognition of foreign divorce bago muling makapag-asawa ang Pilipino.
Dahil sa bagong centralized database ng Korte Suprema at DFA, hindi na kailangang isa-isang patunayan sa korte ang mismong batas ng ibang bansa—na siyang madalas na nagpapatagal at nagpapamahal sa kaso.
Nagpaabot naman ng pasasalamat si Secretary Lazaro sa Korte Suprema sa pamumuno ni Chief Justice Alexander Gesmundo para sa makasaysayang hakbang na ito.