Inatasan ng National Bureau of Investigation o NBI ang lahat ng regional offices nito na magsagawa ng malawakang imbestigasyon laban sa mga pekeng citizenship documents gaya ng birth certificate at pasaporte.
Bukod sa mga gumagamit ng pekeng dokumento, hahabulin din nila ang buong sindikato at network sa likod nito—kabilang ang mga sangkot na local civil registrar, notaryo, fixer, at corrupt na opisyal ng pamahalaan.
Ayon sa NBI, layunin nitong protektahan ang pambansang seguridad at panagutin ang mga sindikato at corrupt na opisyal na tumutulong sa pamemeke.
Nakatutok naman ang imbestigasyon sa mga kasong nauugnay sa POGO, ilegal na droga, money laundering, at mga dayuhang gumagamit ng pekeng pagkatao para bumili ng lupa o humawak ng posisyon sa gobyerno.
Nilinaw ng NBI na hindi iimbestigahan ang mga may late registration o dual citizenship hangga’t walang malinaw na ebidensya ng fraud. Binigyan ng 90 araw ang mga regional director para magsumite ng paunang ulat sa mga nahuling sindikato. | ulat ni Louisa Erispe