Inaasahan ng Department of Agriculture (DA) na mailalabas hanggang unang bahagi ng Nobyembre ang karagdagang pondo para sa tuloy-tuloy na El Niño response ng kagawaran.
Ayon kay DA Spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa, bukod sa nauna nang ₱6.2 bilyon, posibleng nasa ₱5 bilyong pondo pa ang mailabas sa DA na ilalaan sa pagbili ng mga compact mobile solar powered irrigation system at karagdagang cold storage facilities.
Aniya, mahalagang maagang maipatupad ang mga proyektong ito para maipamahagi sa mga magsasaka bago ang inaasahang peak ng El Niño sa unang quarter ng taon.
Ang bawat mobile irrigation system ay kayang patubigan ang hanggang tatlong ektarya ng sakahan, partikular ang mga lupang pag-aari o sinasaka ng maliliit na magsasaka.
Pangunahing target nito ang mga taniman ng palay at mais, lalo na sa mga lugar na may sapat na pinagkukunan ng tubig ngunit umaasa pa rin sa ulan dahil sa kakulangan ng pasilidad sa irigasyon.
Maaari rin itong makatulong sa mga magsasaka ng gulay at sa mga lugar na nagtatanim ng tubo na matinding maaapektuhan ng El Niño.
Samantala, umaasa rin ang DA na mapagbibigyan ng Kongreso ang kahilingan nitong dagdagan ang pondo para mapaigting pa ang pagtugon sa epekto ng El Niño sa Agri sector.