Kumpiyansa ang Philippine National Police (PNP) na “airtight” ang isasampa nilang kaso laban sa nasa mga likod ng nasa 521 kilo ng hinihinalang shabu na naharang sa Laos kamakailan.
Ayon kay PNP Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., mahigpit ang kaniyang direktiba sa mga imbestigador na tiyaking matibay ang ebidensyang kanilang ilalatag upang madiin ang mga sangkot.
Sa kasalukuyan, kuntento naman si Nartatez sa itinakbo ng imbestigasyon at masusing pag-aanalisa sa mga ebidensyang nakalap ng Pulisya.
Inaasahang isusumite ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa PNP Chief ngayong araw ang kanilang ulat hinggil sa kaso kabilang na ang kuha ng mga CCTV, testimoniya ng mga saksi gayundin ang pagpapalabas ng mahigit 40 subpoena at mga dokumento.