Ipinagtanggol ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag ang kanyang trabaho at integridad sa gitna ng kinakaharap na reklamong cyber libel na isinampa laban sa kanya ni Davao City Representative Paolo “Pulong” Duterte.
Ayon kay Matibag, hihintayin niya ang opisyal na kopya ng reklamo at ipauubaya sa sistema ng katarungan ang pagpapasiya sa merito ng kaso.
Mariin niyang itinanggi na may personal o pampulitikang motibo ang hakbang ng ahensya, at iginiit na ang bawat hakbang at natuklasan ng NBI ay nakasalig sa mga kongkreto at balidong ebidensya.
Giit ni Matibag na kung makikita ng prosekusyon at ng korte na siya ay may sala ay hahayaan niya ito dahil mahalagang masunod tamang proseso at ang dapat magpatunay kung mayroon man silang nagawang pagkakamali o paglabag sa batas.
Para sa pinuno ng NBI, ang usaping ito ay hindi dapat daanin sa mga pampublikong akusasyon, kundi nararapat na lutasin sa pamamagitan ng ebidensya at pagtalima sa due process.