Nakakuha ang Pilipinas ng $34.1 milyon mula sa Estados Unidos para palakasin ang ube value chain, isang proyektong inaasahang makikinabang ang 12,500 magsasaka sa loob ng limang taon. Ipapatupad ito ng TechnoServe, isang pandaigdigang non‑profit organization na tumutulong sa pagpapaunlad ng agrikultura at negosyo.
Ayon kay U.S. Ambassador Lee Lipton, ang ube ay mahalagang sangkap para sa pandaigdigang industriya ng pagkain at inumin—katulad ng papel ng matcha sa Japan. Ang pondo ay mula sa pagbenta ng 40,000 metric tons ng soybean meal, na nagpapakita ng matibay na ugnayan sa kalakalan ng dalawang bansa.
Itinuring ng Department of Trade and Industry (DTI) ang ube bilang bagong “export star” matapos makapagtala ng $3.06 milyon na halaga ng ube‑based exports noong 2025. Gayunman, nitong Setyembre ay sinuspinde ng gobyerno ang export ng fresh ube at planting materials upang matiyak ang sapat na suplay sa loob ng bansa sa gitna ng tumitinding pandaigdigang demand.
Sa panayam sa programang Diskarteng Wais sa Radyo Pilipinas World Service, binigyang‑diin ng financial analyst na si Jonathan Ravelas na maaaring magkaroon ng bahagyang pagtaas ng presyo sa lokal na merkado, ngunit ito ay indikasyon ng lumalakas na oportunidad.
“Immediate medyo tataas ng konti, pero ito isang magandang problema,” ani Ravelas. “Kung ang Japan may matcha, tayo naman ube. Pero kung hindi tayo makakapagbigay ng tamang supply, mawawala ang demand.”
Ipinaliwanag niya na ang ube ay maraming gamit—mula sa root crop, powder, hanggang natural na violet coloring—na patok sa pandaigdigang merkado. Ikinumpara niya ito sa cassava na minsang naharap sa parehong hamon ngunit kalaunan ay naging malawak ang gamit sa iba’t ibang bansa.
Nanawagan si Ravelas sa Department of Agriculture na agarang tutukan ang pagpapalawak ng produksyon upang hindi mawalan ng tiwala ang mga merkado.
Sa ngayon, nakikita ang ube bilang parehong oportunidad at hamon: pagkakataong itanghal ang agrikultura ng Pilipinas sa pandaigdigang entablado, ngunit babala rin na kung hindi mapaplano nang maayos, maaaring mawala ang ningning ng bagong “export star.”