Hinihikayat ng National Capital Region Police Office ang mga natitirang suspek sa P16.78-milyong robbery sa Muntinlupa City na sumuko na sa mga awtoridad.
Siyam na armadong suspek ang umano’y tumangay ng pera, alahas at mga gadget sa isang clothing supplier’s warehouse sa Barangay Putatan noong Oktubre 1.
Ayon kay NCRPO OIC PBGen Christopher Abrahano, dalawa na sa mga suspek ang naaresto sa magkakahiwalay na operasyon sa Tanay, Rizal, at Pampanga.
Narekober sa mga ito ang ilang personal na gamit ng mga biktima, kabilang ang mga bag at gadget.
Sinabi ni Abrahano na patuloy pa ang operasyon upang matunton at mahuli ang iba pang suspek. Iniutos niya ang pagpapatuloy ng operasyon at pagpapalakas ng koordinasyon ng police units.