Naglabas ang Department of Education (DepEd) ng mga komprehensibong alituntunin para ihanda ang mga paaralan sa very strong El Niño.
Nakapaloob ito sa DepEd Memorandum No. 64, s. 2026, na naglalayong panatilihing ligtas ang kapaligiran ng mga paaralan.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, sinisiguro ng DepEd na nakahanda ang mga paaralan sa pagtugon sa heat stress at water shortages, at sa pagprotekta sa kaligtasan ng mga mag-aaral nang hindi nasasakripisyo ang pasok sa eskwelahan.
Sinabi ng DepEd na wala nang awtomatikong nationwide class suspension dahil lamang sa init. Sa halip ang mga school head na ang magpapasya batay sa temperatura sa loob ng silid-aralan, na susukatin tatlong beses kada araw.
Sa ilalim ng 4H framework, apat na antas ang susundin ng mga paaralan:
Hayo — Kung mas mababa sa 27°C ang temperatura, tuloy ang face-to-face classes na may hydration breaks.
Hinay — Kung 27°C hanggang 32°C, puwedeng paikliin ang klase o ilipat sa hybrid o home-based na schedule.
Hinga — Kung 33°C hanggang 41°C, wala nang pisikal na klase, at magaang na gawain sa bahay na lang ang ibibigay.
Hinto — Kung 42°C pataas, suspendido ang lahat ng gawain, sa paaralan man o sa bahay.
Papayagan din ang mas preskong alternative uniform. Epektibo agad ang memorandum, at mananatili ito hanggang ianunsyo ng PAGASA ang pagtatapos ng El Niño.