Nilinaw ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na walang tuwirang rejection silang ipinapasya kung pag-uusapan ay pakikipag-negosasyon sa Senate Minority para sa mapayapang pagsuko ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa.
Ayon kay Castro, kailangan lang nilang malaman ang ilang bagay bago umubra ang posibleng negosasyon at isa na rito ang karapatan ng minorya para makipag-negotiate.
Nais din aniya nilang malaman kung alam ba ng mga kakamping senador ni Dela Rosa kung nasaan ito, sino ang nagtatago sa kanya, nakakausap ba nila ito at ano ang kasalukuyang sitwasyon ng mambabatas.
Kung batid aniya ng Senate Minority ang tungkol sa mga ito ay maaaring gumulong ang negosasyon at nang sa gayon ay wala ng maganap pang pwersahang pag-aresto kay Senador Bato.
Mas maganda nga ani Castro kung ang mga kaalyado ng nagtatagong senador ang mismong manawagan na ito’y sumuko na lang at wakasan na ang pagtatago.