Isinusulong ng Marcos Administration ang paggamit ng renewable energy sa mga sistema ng irigasyon sa bansa, upang mapababa ang gastos at mapalakas ang produksiyon sa agrikultura.
Kung matatandaan kasi, isa sa mga hamon ng mga magsasaka ang mataas na gastos sa pagpapatubig, lalo na sa paggamit ng mga makinang pinatatakbo ng diesel, at ang kakulangan ng maaasahang supply ng tubig na nakaaapekto sa kanilang ani at kita.
Ngayong araw (October 26), pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapasinaya ng Pamplona Solar Pump Irrigation Project sa Cagayan, na magbibigay ng patubig sa higit 600 ektarya ng palayan sa limang barangay.
Binubuo ang hybrid irrigation system ng tatlong solar-powered submersible pump, 384 solar panels, at tatlong electric pump na magsisilbing back-up.
Ang proyektong ito, pakikinabang ng higit 300 magsasaka mula sa Nagtipunan Kakampi Irrigators’ Association at Gattu Irrigators’ Association.
Inaasahang magiging ₱50,000–₱100,000 na lamang ang buwanang gastos sa operasyon mula sa dating ₱300,000–₱400,000, na maaaring magresulta sa pagtitipid na ₱250,000–₱300,000 kada buwan.
Sa pamamagitan ng mas maaasahan at mas matipid na patubig, layunin ng proyekto na matulungan ang mga magsasaka na maipagpatuloy ang pagtatanim, mapalakas ang produksyon ng palay, at mapangalagaan ang kita ng kanilang mga pamilya.