All systems go ang Philippine National Police (PNP) sa kanilang latag ng seguridad para sa Defense Ministers Meeting ng Association of Southeast Asian Nation (ASEAN) mula October 28 hanggang 31 sa Cebu.
Kaugnay nito, inatasan ni PNP Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang Police Regional Office 7 at iba pang kinauukulang yunit ng Pulisya na panatilihin ang heightened alert status at paigtingin ang intelligence monitoring sa kabuuan ng pagtitipon.
Ang ADMM ang nagsisilbing pinakamataas na mekanismo ng ASEAN para sa konsultasyon at kooperasyon sa larangan ng depensa.
Pinagsasama nito ang Defense Ministers mula sa ASEAN member countries upang talakayin ang mga usapin sa seguridad sa rehiyon, kooperasyon sa depensa, at mga umuusbong na hamon na nakaaapekto sa rehiyon.
May kabuuang 3,670 tauhan mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno ang itinalaga upang suportahan ang seguridad gayundin ang mga emergency operation kasabay ng high-level meetings.
Saklaw ng seguridad ang conference venue, mga tutuluyan, mga rutang dadaanan ng mga delegado, at iba pang mahahalagang lokasyon sa Cebu City na inaasahang bibisitahin nila
Mananatili ang presensya ng mga pulis hanggang November 1 upang matiyak ang kaligtasan ng mga delegado hanggang sa kanilang pag-alis.
📸 Cebu PPO

