Inanunsyo ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang muling pagpapatupad ng bill deposit para sa mga konsumer ng kuryente bilang proteksyon sa ilalim ng Section 41 ng Republic Act (RA) No. 9136, o mas kilala bilang Electric Power Industry Reform Act of 2001 (EPIRA).
Ang bill deposit ay ang halagang kinokolekta mula sa mga konsumer bilang garantiya para sa anumang hindi nabayarang nakonsumong kuryente matapos ang takdang petsa ng bayaran.
Sa inilabas na advisory ng ERC, kailangang makatanggap muna ang mga konsumer ng pormal na abiso o notice mula sa kani-kanilang distribution utilities (DUs) bago sila pwedeng singilin. Nakasaad sa abiso ang basehan ng muling pagpapataw, ang komputasyon ng halaga, at ang opsyon ng mga konsumer na bayaran ito sa loob ng tatlong magkakasunod na buwan.
Ayon sa ERC, maliban na lamang kung pipiliin ng konsumer na bayaran ito nang buuan o kung papayagan ng DU ng mas mahabang panahon, ang muling ipinataw na bill deposit ay maaaring bayaran sa tatlong pantay na buwanang hulog simula sa pagtanggap ng abiso.
Binalaan din ng komisiom na ang hindi pagbabayad ng konsumer sa muling ipinataw na bill deposit ay magiging batayan para sa pagputol ng serbisyo ng kuryente, subalit kinakailangang maghain muna ng paunang nakasulat na abiso ang DU.
Samantala, nilinaw ng ERC na para sa mga bill na inisyu sa mga nakaraang panahon (mula Mayo hanggang Hulyo, Agosto hanggang Oktubre, at Nobyembre hanggang Disyembre), walang bill deposit na muling ipapataw sa mga konsumer na kwalipikado sa “No Disconnection Policy” dahil sa hindi nila pagbabayad ng bill noong mga panahong iyon.
Pagtugon ng Meralco
Sa panig ng Manila Electric Company (Meralco), tiniyak nitong susundin nila ang desisyon ng ERC. Gayunpaman, nilinaw ng kumpanya na ang polisiyang ito ay para lamang sa mga kostumer na nakatanggap na ng refund ng kanilang bill deposit matapos magbayad sa loob ng dalawang sunod-sunod na taon sa o bago ang takdang petsa, ngunit kalaunan ay lumiban o hindi nakapagbayad sa mga sumunod na singilin.
Para mabigyan ng mas maluwag na ginhawa ang mga konsumer, inihayag ni Atty. Jose Ronald Valles, Meralco Senior Vice President at head ng Regulatory Management, na pansamantalang ipagpapaliban ng kumpanya ang implementasyon nito hanggang sa susunod na taon.
Bukod dito, magbibigay din ang Meralco ng awtomatikong anim na buwang hulugan (installment arrangement) para sa mga apektadong kostumer—mas mahaba kaysa sa tatlong buwang itinakda sa mga alituntunin.
Gayunpaman, nilinaw ni Valles na ipagpapatuloy pa rin ng kumpanya ang awtomatikong refund para sa mga kostumer na maganda ang credit standing. Ipapakita rin ang bill deposit sa mga singil ng kuryente bilang hiwalay na linya (line item) upang mas maging malinaw ito sa mga konsumer.
“Patuloy kaming nakatuon sa pagpapabatid sa aming mga kostumer. Maglalabas ang kumpanya ng mga kinakailangang impormasyon, abiso, at paalala, pati na ang pagsagot sa kanilang mga katanungan upang mas maunawaan nila ang polisiya at ang implementasyon nito,” ani Valles.