Ipinagmalaki ng Philippine National Police (PNP) na bunga ng agresibo at maayos na ugnayan ng iba’t ibang yunit ng Pulisya ang pagkakaaresto ng suspek sa nangyaring RPG attack laban kay Sharrif Aguak Mayor Akmad “Mitra” Ampatuan Sr. sa Maguindnao del Sur.
Ito’y kasunod ng pagkakadakip kay Toraipe Lusod, na kilala rin bilang “Aripi Adam,” na tinukoy ng mga awtoridad bilang isa sa mga suspek sa pag-atake gamit ang RPG noong January 25 laban kay Mayor Ampatuan.
Ayon kay PNP Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., binubusisi ng Pulisya ang lahat ng impormasyon para matukoy at mahuli ang iba pang mga suspek pati na ang itinuturong utak sa tangkang pagpatay.
Nadakip si Lusod mag-aalas-3 ng hapon noong Sabado sa Brgy. Meta, Datu Unsay, Maguindanao del Sur, sa pamamagitan ng isang pinagsamang operasyon ng Shariff Aguak Municipal Police Station, PNP Special Action Force, at iba pang intelligence unit.
Nabatid na itinuturing na “No. 1 Most Wanted Person” sa lalawigan at “No. 8 Most Wanted Person” sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) si Lusod.
Dinakip siya batay sa mga Warrant of Arrest para sa mga kasong terorismo, frustrated murder, at iligal na pagmamay-ari ng mga baril at bala kung saan, narekober dito ang isang M4 rifle at mga bala mula sa suspek sa operasyon.