Inirekomenda ng Land Transportation Office (LTO) ang pagbawi sa lisensya ng isang bus driver na nagpositibo sa paunang drug test sa operasyon kasama ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa EDSA, kahapon.
Ayon kay LTO Law Enforcement Service Director Allan Nobleza, isa sa 21 driver at tatlong konduktor ng 5 Star bus ang nagpositibo. Pansamantala muna siyang pinagbawalang magmaneho.
Nahuli rin ang isang bus na gumagamit ng walang awtorisasyong improvised plate. Pinababa ang mga pasahero at pinatigil ang biyahe nito.
Paiigtingin ng LTO ang inspeksiyon at random drug test ngayong Undas para sa kaligtasan ng mga biyahero.
Magpapatuloy din ang pag-iikot ng LTO at mga katuwang na ahensya sa mga bus terminal sa Metro Manila.
