Hiniling ni House Committee on Appropriations Senior vice-chair Abet Garcia sa People’s Budget Coalition na tukuyin ang mga farm-to-market road project na umano’y may coordinates na nasa dagat.
Ayon sa grupo, kabilang sa mga kuwestiyonableng proyekto ang ₱23-milyong farm-to-market road sa Nueva Ecija na may coordinates sa Benham Rise.
Sinabi ni Garcia na posibleng typographical error lamang ang maling coordinates dahil sa dami ng dokumento, ngunit kailangan munang matukoy ang mga partikular na proyekto upang masuri at maitama ang mga ito.
Tiniyak din ng mambabatas na dumaraan din sa mas mahigpit na pamantayan ang mga proyekto ng Department of Agriculture (DA).
Aniya, bineberipika ang mga naturang proyekto ng provincial at municipal agriculturist gayundin ng regional office ng Department of Agriculture.
Dagdag pa ni Garcia, kailangan ang tamang coordinates, pag-apruba ng Regional Development Council, at pahintulot ng lokal na pamahalaan bago maipatupad ang mga proyekto.
Una nang nilinaw ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na posibleng nagkaroon ng pagkakamali sa pagtatala ng coordinates, at sinusuri na ng mga tauhan ng DA ang mga naiulat na error.