Naghain si Senate Finance Committee Chairperson JV Ejercito ng dalawang panukalang batas na layong palakasin ang transparency at accountability sa paggasta ng gobyerno sa pamamagitan ng mas aktibong partisipasyon ng civil society organizations (CSOs) sa proseso ng pagba-budget.
Kabilang dito ang Senate Bill 2576 o panukalang Bantay Budget Act, na magbibigay ng mekanismo para makilahok ang mga kinikilalang CSO sa paghahanda at pagtalakay ng pambansang budget, kabilang ang pagdalo bilang resource persons sa mga pagdinig ng Kongreso at paghahain ng alternatibong panukalang budget.
Minamandato din ng panukala ang Senate Finance Committee at House Committee on Appropriations na maglaan ng hindi bababa sa isang araw ng pagdinig para maipresenta ng mga CSO ang kanilang mga rekomendasyon at papayagan din silang obserbahan ang deliberasyon ng budget at bicameral conference committee proceedings.
Samantala, layon naman ng Senate Bill 2577 o panukalang Grassroots Participatory Budgeting Act na matiyak na maisasama sa mga plano at alokasyon ng pondo ng pamahalaan ang mga pangangailangang tinutukoy mismo ng mga komunidad.
Sa panukala, kailangang magsagawa ng hindi bababa sa dalawang konsultasyon bawat taon ang mga barangay, munisipalidad, lungsod at lalawigan kasama ang mga kinikilalang CSO.
Gagamiting batayan naman sa mga local development plan at panukalang budget ang mga prayoridad na matutukoy sa mga konsultasyon.
Binigyang diin ni ejercito na mahalaga ang partisipasyon ng mga CSO dahil direktang nakikipag-ugnayan ang mga ito sa mga komunidad at nakatutulong para matukoy kung tumutugon sa aktwal na pangangailangan ng mamamayan ang mga programang pinopondohan ng gobyerno. | ulat ni Nimfa Asuncion