Mahigpit na pinaalalahanan ng liderato ng Philippine National Police (PNP) ang lahat ng tauhan nito na kumilos ng tama at naaayon bilang mga tagapagpatupad ng batas.
Ito ang ilan sa mga paksang natalakay sa isinagawang Command Conference ng Pambansang Pulisya na pinangunahan mismo ni PNP Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. sa Kampo Crame kahapon.
Binigyang-diin ng PNP Chief ang kahalagahan ng disiplina, pananagutan at propesyunalismo sa hanay ng Pulisya upang mapanatili ang tiwala ng publiko sa kanila.
Ginawa ni Nartatez ang pahayag kasunod ng mga napapaulat na insidenteng kinasasangkutan ng mga pulis kung saan, pinakahuli rito ang insidente ng pagwasiwas ng baril ng isang lasing na pulis sa Pasig City kamakailan.
Una nang kinondena ng Eastern Police District (EPD) ang naturang insidente kung saan, mahaharap kasong administratibo ang sangkot na pulis at magresulta pa ng pagkasibak nito sa serbisyo.
Bukod dito, natalakay din ang latag ng seguridad sa papalapit na Undas, gayundin ang ASEAN Defense Ministers Meeting sa Cebu at iba pang accomplishment ng iba’t ibang rehiyon.

