Binigyang-diin ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang kahalagahan ng patuloy at matatag na ugnayan ng Estados Unidos sa Timog-Silangang Asya sa ginanap na ASEAN-U.S. Defence Ministers Informal Meeting sa lalawigan ng Cebu.
Pormal na tinanggap ni Teodoro ang mga kinatawan mula sa mga kasaping bansa ng ASEAN pati na rin ang delegasyon ng Estados Unidos sa pamumuno ni U.S. Secretary of War Pete Hegseth.
Inihayag ng Kalihim ang kaniyang kagalakan sa pagho-host ng bansa sa nasabing mahalagang pagpupulong, lalo na’t natatapat ito sa ika-80 anibersaryo ng opisyal na diplomatikong ugnayan ng Pilipinas at ng Estados Unidos.
Ayon kay Teodoro, mananatiling mahalaga ang aktibong presensya ng Estados Unidos upang mapanatili ang kapayapaan at katatagan hindi lamang sa Timog-Silangang Asya kundi maging sa buong rehiyon ng Indo-Pacific.
Pinasalamatan din ng Kalihim ang patuloy na pagsuporta ng Amerika sa ASEAN centrality at sa mga mekanismong pinamumunuan ng alyansa, tulad ng ADMM-Plus frameworks, partikular sa mga inisyatiba para sa maritime security at kooperasyon sa karagatan.
Kabilang sa mga binigyang-pansin sa pulong ang matagumpay na paglahok ng Philippine Navy sa ikalawang ASEAN-U.S. Maritime Exercise sa Indonesia noong nakaraang Disyembre, pati na rin ang suporta ng Amerika sa kasalukuyang pamumuno ng Pilipinas at Japan bilang co-chairs ng ADMM-Plus Experts Working Group on Maritime Security.