Hindi sumipot sa pagdinig ang kongresista na nagsampa ng kasong cyber libel laban sa isang babaeng magsasaka sa Nueva Ecija.
Dumalo sa korte ang 63-anyos na akusadong si Lucila Bote, kasama ang kapwa magsasaka mula sa Sitio Sangilo, Gapan City.
Kinasuhan ni Nueva Ecija Fourth District Representative Emerson “Emeng” Pascual si Bote sa Gapan City Regional Trial Court Branch 34 dahil sa kanyang social media post tungkol sa akusasyon ng umano’y pagsira sa kanilang mga pananim at bakod, at pagharang sa mga daanang ginagamit sa pagdadala ng ani.
Ayon sa mga magsasaka, matagal na nilang sinasaka ang halos 30 ektaryang lupain na pinagkukunan ng kabuhayan ng humigit-kumulang 300 pamilya.
Iginiit din nilang mayroon silang mga dokumento mula sa Land Registration Authority.
Samantala, sinabi ni Pascual noong Setyembre 2024 na wala umanong naitalang karapatan si Bote sa lupa, batay sa Gapan City Assessor’s Office. Nilinaw din niyang hindi siya bumili ng lupa sa lugar.
Hindi rin dumalo sa pagdinig ang isang testigo sa kaso, kaya ipinagpaliban ang susunod na pagdinig sa Nobyembre 25, 2026.