Muling pinagtibay ng Estados Unidos ang suporta nito sa pagpapanatili ng kapayapaan at maritime security sa Timog-Silangang Asya sa ginanap na ASEAN 2026 ADMM-Plus Informal Meeting sa Cebu.
Pormal na pinasalamatan ni US Secretary of War Pete Hegseth si Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. dahil sa aniya ay epektibong pamumuno ng Pilipinas bilang chairperson ng ADMM-Plus sa nakalipas na taon.
Binigyang-diin ni Hegseth ang layunin ng administrasyong Trump ng Amerika para sa mas ligtas at maunlad na Indo-Pacific region sa pamamagitan ng pamamaraang ayon sa kalihim ay “strong, quiet, and clear” kung saan ay may mga hakbang na sapat ang lakas upang mapigilan ang anumang banta at pananakot sa rehiyon nang hindi humahantong sa hindi kinakailangang tensyon.
Inihayag din ng opisyal ang panukalang pagbuo ng isang US-ASEAN Framework for Defence Cooperation para sa nalalapit na ika-50 anibersaryo ng ugnayan ng Amerika at ASEAN sa susunod na taon.
Ang isinusulong na framework ay maglalaman ng mga konkretong pagsasanay, interoperability ng mga hukbong-dagat, at pagpapatatag ng maritime domain awareness sa buong rehiyon.
Pinuri din ng Estados Unidos ang pamumuno ng ASEAN sa pagpapanatili ng ceasefire sa pagitan ng Thailand at Cambodia, habang nakahanda na rin ang Amerika na makipagtulungan sa Singapore sa pag-endorso nito bilang susunod na ADMM-Plus chair.