Pinag-ibayo pa ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang operasyon upang matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan sa gitna ng pag-umpisa ng pagdagsa ng tao sa mga bus station at iba pang transportation hubs para sa Undas 2026.
Kasunod nito’y inatasan ni PNP Chief, Police General Jose Melencio Nartatez, Jr. ang mga Police Commander sa buong bansa na magsagawa ng karampatang hakbang para maiwasan ang mga aksidente sa kalsada.
Gayundin ay tulungan ang mga biyahero na matiyak na ligtas na makakarating sa kanilang mga destinasyon at makakauwi sa kani-kanilang pamilya.
Inutusan din ni Nartatez ang mga Regional at Provincial Director na palakasin ang mga pagpapatrolya sa mga pangunahing highway, accident prone areas, at mga ruta patungo sa mga sementeryo at mga terminal ng transportasyon.
Dapat din aniyang palakasin ng mga yunit ng pulisya ang information drive na nagpapaalala sa mga motorista na siyasatin ang mga preno, gulong, ilaw, at iba pang mahahalagang bahagi ng sasakyan bago bumiyahe.
Una rito, mahigit 72,000 pulis ang ipakakalat sa buong bansa para sa Undas 2026, bukod pa sa mga karagdagang puwersa mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine Coast Guard (PCG), Lokal na Pamahalaan (LGUs), at iba pang force multipliers.
Itataas ng PNP ang full alert status mula Oktubre 30 hanggang Nobyembre 2.