Mahigpit na ang pakikipag-ugnayan at pagpapaalala ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) sa iba’t ibang water concessionaires hinggil sa pag-maximize sa iba pang water sources bukod sa Angat Dam.
Sa panayam ng programang BOSES kay MWSS Spokesperson Engr. Patrick Dizon, sinabi niyang mahalagang makonserba ngayon ang tubig sa Angat Dam at, kung maaari, ay madagdagan pa bago maranasan ang matinding epekto ng El Niño sa una at ikalawang quarter ng 2027.
Pagdating naman sa mga nararanasang water interruption sa mga service area sa Metro Manila at Rizal, isa umano itong uri ng paghahanda ng MWSS at mga konsesyonaryo para sa inaasahang epekto ng El Niño.
Mahalagang maisaayos na agad ang mga sirang tubo at mga tagas upang hindi masayang ang tubig at mabawasan ang water loss.
Giit naman ng MWSS, kung maiiwasang isagawa ang repair at maintenance ng mga water system at tubo sa umaga, ginagawa nila ito. Kadalasang pinapayuhan ang water concessionaires na gawin ang mga ito tuwing gabi at madaling araw, kung kailan mas kakaunti ang mga gumagamit at kumokonsumo ng tubig.