All-set na ang mga paghahanda ng Philippine National Police – Highway Patrol Group o PNP-HPG upang matiyak ang ligtas, payapa at maayos na daloy ng mga sasakyan sa nalalapit na paggunita ng Undas.
Ayon kay PNP-HPG Director Police Brigadier General Joyce Patrick Sangalang magpapakalat sila ng higit sa 700 tauhan sa mga pangunahing lansangan sa buong bansa upang paghandaan ang inaasahang bugso ng mga motorista at biyahero ngayong long weekend.
Naging maigting din ang inspeksiyon ng PNP-HPG sa mga pampublikong sasakyan upang matiyak na ligtas ito para bumiyahe at magsakay ng mga commuter at biyahero.
Binigyang-diin ni Sangalang na bukod sa pisikal at mental na kahandaan ng driver at ng kondisyon ng sasakyan, malaking banta rin sa kaligtasan ang kawalan ng focus sa pagmamaneho.
Mahigpit din ang paalala ng PNP-HPG sa mga motorista na huwag gumamit ng cellphone habang nagmamaneho upang maiwasan ang mga aksidente.
Tiyaking nasa kondisyon ang mga sasakyan bago bumiyahe patungo sa mga probinsya o sementeryo.
Makiisa sa mga ipatutupad na traffic rerouting at security checkpoints ng mga tauhan ng PNP-HPG na nakatalaga sa mga istratehikong lugar.
Pinapayuhan ang publiko na planuhin nang maaga ang kanilang mga biyahe at sundin ang mga alituntunin sa kaligtasan sa kalsada para sa isang ligtas at payapang paggunita ng Undas.