Hinimok ng Philippine Ports Authority o PPA ang kanilang mga pasahero na gamitin ang ipinatutupad nilang digital platform na Online Reservation Assistance System o ORAS.
Sa panayam ng programang BOSES kay PPA Spokesperson Eunice Samonte, sinabi niyang ang ORAS ay isang online portal o digital queuing system na binuo upang ma-manage ang dami ng mga pasahero sa mga pangunahing pantalan sa bansa.
Layunin nitong gawing mas mabilis, maayos at ligtas ang proseso ng pagbiyahe, lalo na sa mga panahong inaasahan ang pagdagsa ng publiko, tulad ng papalapit na Undas gayundin sa panahon ng Semana Santa.
Gamit lamang ang QR code mula sa PPA o pagbisita sa website na oras.ppa.com.ph, maaari nang ma-access ang reservation system.
Piliin ang iyong destinasyong pantalan, iskedyul ng biyahe at iba pang kinakailangang detalye sa paglalakbay.
Kumpirmahin ang iyong reserbasyon at i-save ang iyong ORAS Pass. Ito ang ipapakita sa pantalan para sa beripikasyon.
Pinapayuhan ang mga pasaherong may dalang ORAS Pass na dumating sa pantalan nang dalawang oras bago ang kanilang nakatakdang oras ng pag-alis upang magkaroon ng sapat na panahon para sa validation at pre-departure checks.
Epektibong nakatutulong ang sistema upang mabawasan ang siksikan at mapabilis ang proseso ng ticketing at boarding sa iba’t ibang strategic ports sa bansa.
Sa pamamagitan ng inisyatibong ito ng PPA, patuloy ang pagsusumikap ng pamahalaan na iangat ang antas ng serbisyo sa pampublikong transportasyon sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya.