Naglabas ng bagong polisiya ang National Food Authority (NFA) sa pagbili ng palay upang matugunan ang sapat na supply ngayong nararanasan ang strong El Niño sa bansa.
Ang dating limistasyon na hindi lalampas sa 200 kabang palay sa bawat magsasaka ay ini-adjust na sa hanggang 500 kaban ng palay upang mas mahikayat ang mga magsasaka na ibenta ang kanilang produkto sa ahensya.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service kay NFA Administrator Dr. Larry Lacson, binigyang-linaw nito na sa bagong polisiya ay pinapayagan nang magbenta ang isang magsasaka ng hanggang 500 kaban ng palay ngunit dapat nakarehistro ang kanilang lupang sinasaka sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA).
Ayon kay Lacson, kailangan ang RSBSA registration upang matiyak na angkop sa lupang kanilang sinasaka ang bilang ng ibinebenta nilang palay upang makaiwas sa pananamantala.
Dagdag pa ng opisyal, patuloy rin nilang kinokonsidera ang sitwasyon ng bawat lugar dahil magkakaiba ang sitwasyon ng mga magsasaka, upang makabili pa sila ng mas maraming palay.